Sa labis na kapal ng
libro at sa ubod ng daming salawikain na napakaloob dito, nakatawag pansin sa
akin ang salawikain na ito mula sa pahina 223 - “Mabuti ang bungang bubot, kaysa sa hinog na mayroon laman na uod.”
Ito
ay tumutukoy sa bunga, hindi bilang hinog na obaryo ng isang halaman, bagkus ay
bunga bilang resulta ng ating mga aksiyon sa ilalim ng ibat ibang pangyayari o
kalagayan. Naniniwala ako na hindi sa tuwina nabibigyang katarungan ng bunga
ang mga paraan na ginamit o ginawa natin makamtan lamang ang isang bagay.
Bilang
isang mag-aaral, isang taong puno ng mga ambisyon sa buhay, isang batang
inaasahan ng lubusan ng mga magulang, at isang iskolar ng bayan na sa tuwina’y
hinuhusgahan, isang malaki at matamis na ‘bunga’ ang tila akala nilang ganoon
na lang kadaling makamtan.
Napakalaking hamon nito para sa atin kaya’t madalas
ay natutukso tayong kagatin ang mga nakaka-engganyong ‘short cut’ tungo sa
tagumpay. Halimbawa, aanhin mo ang uno kung alam mong kinopya mo lang ang
sulatin mo sa ibang tao. Mas masarap sa pakiramdam ang gradong alam mo sa
sarili mo na dugo’t pawis ang pinuhunan mo.
Tiyakin mo lang na hindi man ganoon
kalaki at katamis ang bungang nakamtan mo, ibinigay mo naman ang lahat-lahat ng
makakaya mo. Sapagkat hindi sapat na dahilan ang ‘at least malinis ang
kunsensiya ko’ sa bubot na bunga mo kung ikaw pala sa sarili mo ay nagkaroon ng
pagpapabaya at mga pagkukulang.
Sunod naman ay ang salawikaing - “Kapag ang tao’y may paninimdim, hindi mabubusog anuman ang kain,” mula
sa pahina 245. Nagustuhan ko ito dahil una, tinamaan ako at pangalawa, sa
palagay ko ito ay isang karanasang naranasan, nararanasan at mararanasan ng
lahat ng tao.
Dahil kahit na paulit-ulit na lang sinasabing kaya nasa ibabaw ng
puso ang utak ay upang mas mangibabaw ang pangangatwiran sa nararamdaman, hindi
maikakailang malakas na pwersa ang dating ng ating pangkalahatang pakiramdam sa
ating pangaraw-araw na pamumuhay.
At kung ano man iyang nasa puso mo, lungkot,
hinanakit, galit, agam-agam, mga negatibong damdamin na hindi mabawasan,
pagpapatawad na kayhirap pa ring makamtan, kahit na yumaman ka man, matupad man
mga pangarap mo, magkatuluyan man kayo ng ‘crush’ mo, maglingkod ka man sa
simbahan, magkawanggawa ka man, hinding hindi mo pa rin mararanasan ang tunay
at kumpletong kaligayahan.
Lulubog, lilitaw iyan sa buhay mo na parang tae sa
baradong inidoro, patuloy na susundutin ang binuo mo na sanang maayos na dimensiyon
ng realidad, at kakalam nang kakalam iyang puso mong hinding hindi makukuntento
at mapapanatag kasi alam mo sa sarili mo na niloloko mo lang ang mundo, kasi
nga hindi ka pa ‘makaget-over’ sa mga panimdim mo.
Inalagaan mo na kasi sa puso
mo kaya ngayong lumaki na ito, mahirap nang alisin. Pero sa huli, siguro wala
naman talagang permanenteng ‘pagkabusog’ sa mundo kasi ang mabuhay ay ang
patuloy na pagiging ‘takam’ sa iba’t ibang pagkain, sa mga karanasang inaasam
nating siyang ‘bubusog’ sa atin.
No comments:
Post a Comment