Showing posts with label fil 50. Show all posts
Showing posts with label fil 50. Show all posts

Wednesday, June 20, 2012

BUGTONG (insights sa Fil 50 ulit)

Part I
          Bisikleta. Iyan ang sagot sa bugtong sa pahina 964 na - “It has come from a far place, but has only one footprint.”  Noong una iyang bugtong na iyan ang pinili ko kasi mahilig talaga akong mag-bisikleta, simpleng dahilan lang, wala nang iba pang pakahulugan sa akin. Pero sa pagmumuni-muni ko, napa “oo nga ‘no” ako. 

         Parang isang bisikleta pala tayo. Sakyan man tayo ng napakaraming mga pagsubok, tapak-tapakan ng ibang tao, ‘maflat-an’ ng gulong sa ating paglalakbay, maputulan ng kadena sa sobrang pagmamadali, bumulusok man tayo pababa dahil hindi na talaga kaya ng ‘brake,’ o tipong hindi na natin kailangang i-pedal dahil awtomatiko na tayong umaandar at minsan inaakay na lang tayo sa halip na sakyan, lahat ng iyan okay lang kasi alam nating kahit papaano may naiiwan tayong marka sa mundo.

       Isang tanda na minsan, sa isang partikular na panahon sa mundo, ay nabuhay at namuhay ang isang katulad natin. At bawat isa sa atin ay may kanya-kanyang marka, walang maaaring umangkin kasi lahat tayo magkakaiba. At tulad ng isang bisikleta, kailangang may nagpapaandar sa atin kung ayaw nating mabulok na lang at makalimutan na ng sanlibutan.

        Kung sino man iyan ay iba iba rin, madalas paiba-iba, minsan masaya tayo kasi mga inspirasyon natin sa buhay nagpapatakbo sa atin, pero minsan naman hindi natin namamalayang iyong mga ‘kalaban’ na pala nagmamaneho sa atin kaya tuloy naliligaw tayo, kinakalawang at nasisira. Pwede rin namang tayo at ang bisikleta ay iisa, basta ang mahalaga, sana maging kapaki-pakinabang ang mga markang iiwan natin.


Isang Trip Kong I-Share na Parang Ewan Lang na Video. Haha. Kasi May Bike Eh xD

Tuesday, June 19, 2012

Salawikain (insights for my Fil 50 subject. lols)

Part I           

              Sa labis na kapal ng libro at sa ubod ng daming salawikain na napakaloob dito, nakatawag pansin sa akin ang salawikain na ito mula sa pahina 223 - “Mabuti ang bungang bubot, kaysa sa hinog na mayroon laman na uod.” 

                Ito ay tumutukoy sa bunga, hindi bilang hinog na obaryo ng isang halaman, bagkus ay bunga bilang resulta ng ating mga aksiyon sa ilalim ng ibat ibang pangyayari o kalagayan. Naniniwala ako na hindi sa tuwina nabibigyang katarungan ng bunga ang mga paraan na ginamit o ginawa natin makamtan lamang ang isang bagay. 

            Bilang isang mag-aaral, isang taong puno ng mga ambisyon sa buhay, isang batang inaasahan ng lubusan ng mga magulang, at isang iskolar ng bayan na sa tuwina’y hinuhusgahan, isang malaki at matamis na ‘bunga’ ang tila akala nilang ganoon na lang kadaling makamtan. 

             Napakalaking hamon nito para sa atin kaya’t madalas ay natutukso tayong kagatin ang mga nakaka-engganyong ‘short cut’ tungo sa tagumpay. Halimbawa, aanhin mo ang uno kung alam mong kinopya mo lang ang sulatin mo sa ibang tao. Mas masarap sa pakiramdam ang gradong alam mo sa sarili mo na dugo’t pawis ang pinuhunan mo. 

           Tiyakin mo lang na hindi man ganoon kalaki at katamis ang bungang nakamtan mo, ibinigay mo naman ang lahat-lahat ng makakaya mo. Sapagkat hindi sapat na dahilan ang ‘at least malinis ang kunsensiya ko’ sa bubot na bunga mo kung ikaw pala sa sarili mo ay nagkaroon ng pagpapabaya at mga pagkukulang.