Sa labis na kapal ng
libro at sa ubod ng daming salawikain na napakaloob dito, nakatawag pansin sa
akin ang salawikain na ito mula sa pahina 223 - “Mabuti ang bungang bubot, kaysa sa hinog na mayroon laman na uod.”
Ito
ay tumutukoy sa bunga, hindi bilang hinog na obaryo ng isang halaman, bagkus ay
bunga bilang resulta ng ating mga aksiyon sa ilalim ng ibat ibang pangyayari o
kalagayan. Naniniwala ako na hindi sa tuwina nabibigyang katarungan ng bunga
ang mga paraan na ginamit o ginawa natin makamtan lamang ang isang bagay.
Bilang
isang mag-aaral, isang taong puno ng mga ambisyon sa buhay, isang batang
inaasahan ng lubusan ng mga magulang, at isang iskolar ng bayan na sa tuwina’y
hinuhusgahan, isang malaki at matamis na ‘bunga’ ang tila akala nilang ganoon
na lang kadaling makamtan.
Napakalaking hamon nito para sa atin kaya’t madalas
ay natutukso tayong kagatin ang mga nakaka-engganyong ‘short cut’ tungo sa
tagumpay. Halimbawa, aanhin mo ang uno kung alam mong kinopya mo lang ang
sulatin mo sa ibang tao. Mas masarap sa pakiramdam ang gradong alam mo sa
sarili mo na dugo’t pawis ang pinuhunan mo.
Tiyakin mo lang na hindi man ganoon
kalaki at katamis ang bungang nakamtan mo, ibinigay mo naman ang lahat-lahat ng
makakaya mo. Sapagkat hindi sapat na dahilan ang ‘at least malinis ang
kunsensiya ko’ sa bubot na bunga mo kung ikaw pala sa sarili mo ay nagkaroon ng
pagpapabaya at mga pagkukulang.