Monday, June 25, 2012

Leadership, eh?

(This is my essay on my perception of leadership. A requirement somewhere, somewhen)    

            Sa ilang oras na pagbaling-baling ko sa higaan, sa bawat gabing hindi makatulog sa panunood ng anime sa pag-asang makahanap ng mga kasagutan, sa ilang araw na pagkausap sa sarili at pagmumuni-muni ng mga naging karanasan, wala pa ring katiyakan kung aking mabibigyang katarungan ang isang payak subalit mahiwagang katanungan – na hindi ko na kailangan pang isa-isahin sa kadahilanang lubha itong mahaba, nasa wikang Ingles at nasa Facebook naman. Naman! Hindi ba’t pormal dapat ang aking pagsusulat? Subalit ipagpaumanhin mo at ‘di ko na mapigilan ang paggapang ng aking mga kamay sa aking ulunan at mangamot, sapagkat  ako’y labis na nagugulumihanan, oo, ako’y sadya pa ring nag-aalinlangan.  .  .

            Labimpitong taon na pala akong humihinga sa bilog na mundong ito, pero ni minsan hindi ko man lang pinagka-abalahang tanungin ang aking sarili kung ano at hanggang saan na nga ba ang aking nalalaman sa aspeto ng pamumuno at ng isang pagiging pinuno. Ano na nga ba ang naging impakto este epekto nito sa lakad-takbo ng aking buhay. Siguro naiinis ka na, ‘no? Ang dami ko nang pag-aantalang ginawa, wala pa rin akong nalalagay na makabuluhan. Hiling ko lang ay iyong maunawaan na basahin ang hindi nababasa, ngunit ‘wag kang mag-alala, aalalayan kita, bibigyan kita ng implikasyon at patnubay. Haaay! Epal ko talaga. Epal na nga, barubal pa magsulat!

            Leadership. Leadership. Mmmm… Ipakita mo sa ‘kin ang iyong tunay na kaanyuan! Toinks! Ano daw? Epekto ‘ata ng anime ‘yan eh, tsk, tsk! Haiss! Seryoso na nga.

            Ako, si hulaan mo, isang bata. Ngunit bata pa bang dapat na tawagin? Sa edad kong ito, pakiramdam ko napag-iiwanan na ‘ko ng mga kasabayan ko . . . noon pero malamang ‘di na ngayon, ang layo na nila, wari’y ‘di ko na sila maaninag. Basta. Naniniwala akong ang mahalaga ay importante! Tama! Maniwala ka lang at gagawa ang kalawakan ng landas na para sa iyo lamang. Natutuwa talaga ako at nakilala ko si Naruto, dahil paano ako magkakaroon ng sarili kong depinisyon ng leadership kung walang tao na siyang uukit sa puso ko ng depinisyon nito. Hindi ba’t ang tatlong katanungan ay may iisang layunin lamang, at iyon ay ang makilala kaming mga hangal na nagnanais na maging susunod na mamumuno ng **tooot*** sa kabila ng kaalamang labis-labis na hirap at sakripisyo ang aming pagdadaanan ng nakayapak, walang saplot at walang sandata maliban sa aming mga nag-aalab na pusong nagnanais maisakatuparan ang tila kahangalan at walang-kwentang pangarap na ito. Maaaring tama kayo sa iniisip niyo. Ano bang mapapala namin sa pagwawaldas ng oras at enerhiya sa mga training namin? Marami. Positibo. Negatibo. Tama lang. Wala lang. Depende sa ‘min.



            Basta. Para sa akin ang pamumuno ay pagbuo ng tiwala sa puso ng mga kasamahan mo, iyong tipong paggawa ng espasyo sa puno ng galit, kasamaan, alilangan, pangamba at kung anu-ano pang nagmamanipula sa mga puso nila. At nagsisimula ang lahat sa sarili mo mismo, teka, bakit ba kita dinadamay sa paniniwala ko, mo kasi ako ng mo eh. Kasi ‘di ba ‘pag binasa mo ‘to at puro ko ang nakalagay, parang mapipilitan kang angkinin ang paniniwala kong ‘di mo naman paniniwala. Wala lang. Buweno. Ang pinaglalaban ko lang naman ay para maging epektibo ang isang pamumuno kailangan matanggap mo muna lahat ng magaganda mong kapangitan, ang iyong perpektong kaimperpektuhan. At sadyang hindi ‘yon madali. Iyan ang bagay na patuloy mong pagdadaan, walang katapusan. Pero ang hamon dito ay paano mo mapupunan ang iyong kakulangan, paano mo maibibigay ang mga bagay na wala ka kung iyon ang mga bagay na kinakailangan nila. Simple lang. Eh ‘di ibigay mo ang lahat-lahat nang mayroon ka. Sabi nga ‘di ba magbiro ka na sa taong lasing ‘wag lang sa bagong gising. Haa? Ano raw? Haha. ‘No koneksiyon ‘nun? Wala. Yan pa ang isa sa mga katangian ng leader na aking hinahangaan. Wala nang paliwanag, bahala ka nang umunawa.   

            Basta. Para sa akin ang pamumuno ay pagbuo ng samahang walastik. Parang sa anime, parang sa kwento nina Naruto, Sasuke, Sakura at ng mga taong nakapaligid sa kanila. Kung hindi ka maka-konek, korek ka. Haha. Manuod ka na lang ng anime. Pero kasi ‘di ba, ang pamumuno ay hindi pagharap sa mga hoodlums ng mag-isa, kundi pagtakbo ng may kasama. Siyempre pagtakbo palusob sa mga hoodlums ng buhay kasama ng mga taong unti-unti nang nagkaka-espasyo sa puso mong takot ding magtiwala. Kala mo siguro yung pagtakbo eh pagtakas ‘no? Pwede rin. Kasi pa’no kung alam niyong nasa panganib ang isa’t isa, na tagilid kayo sa kasalukuyan niyong estado. Eh ‘di retreat muna. Sama-sama kayong magpapalakas, mag-iisip ng paraan para matiyak ang inyong matamis na tagumpay. At tignan mo, wala nang mas sasarap pa sa pakiramdam ng magwagi sa isang ‘misyon’ kasama ang mga taong tinatawag mong kaibigan, tunay na kaysaya, ‘di ba?

            Basta. Para sa akin ang pamumuno ay hindi paghingi ng simpatiya, sang-ayon o paghanga ng lahat. Gagawin ko kung ano ang para sa ikabubuti ng lahat, kahit pa hindi nila ako maunawaan sa kasalukuyan, kahit pa ang maging tingin nila sa akin ay kasuklam-suklam kung alam ko namang sa hinaharap ay may maganda itong ibubunga. Halimbawa. Okay lang sa aking ihulog sa bangin, hayaang mag-isa sa kasukalan o yurakan, dahil alam ko, bawat pangyayari ay may dalawang mukha, ang mabuti at masama. At sa mabuti ako kakapit, naniniwala akong ang sugat ay magiging peklat. Mapait sa alaala, masakit sa mata, pero magbibigay lakas ito sa akin para patuloy na mag-martsa pasulong, unti-unti palayo sa masaklap na lugar na iyon. At tandaan mo, sa isang martsa, ‘di ka lang mag-isa. Sapagkat isang grupo kayo, na magiging tilap, magiging pulutong hanggang batalyon. Ang boring na, ‘no? Ang imba talaga kasi mag-drama.

            Basta. Sapat na sa akin na magkakaroon ng malaking  impakto, haayyy ‘di ko alam yung tamang salita, epekto? Impluwensiya? Kahit na sa isang tao lang. Sa Ingles, mag-touch lang ako ng buhay ng isang tao sapat na iyon, yung tipong makikita kong sa paglipas ng mga araw at taon makikita ko ang sarili ko sa kanya. Makikita kong isinasabuhay niya ang mga paniniwala ko. Kasi para saan pa ang pamumuno ko kung ang mga tao ay sumusunod lang dahil sa napipilitan o walang pagpipipilian. Pero ‘di rin dapat tipong nagmamakaawa. Siguro nga, may mga tao talagang likas o pinanganak nang lider. Nakaka-inggit sila kasi tipong kahit na simpleng salita nila may impact sa mga tao. Yun yun eh. Impact pala yung salita, hindi impakto. Ako kasi hindi eh, ako yung tipong tangang-lider. Lagi kong inaako mga Gawain ng grupo, simula elementarya hanggang hayskul, pati ngayon. Noong una akala ko ang dahilan ko lang ay simpleng baka mahirapan sila, baka ‘di nila kaya, baka pangit yung magawa nila at marami pang moooo. Pero, sa palagay ko takot lang talaga akong magtiwala. Mahirap eh, ‘kaw kaya. Try mo. Haiss! Naiinis na ‘ko kasi kahit na anong gusto kong maglingkod . . . wala pa rin eh. Ang looser ko. Haiss! Ajaness!

            Basta. Para sa akin ang isang tunay na mamumuno ay iyong may kakayahang baguhin ang isang tao.
            Kaya idol ko talaga si Naruto eh. Pati si Tandang Tsunade. Basta magiging katulad ko siya. Isang Medical-Nin. O sa panahon natin, doktor na, mandirigma pa! Astig ‘no? Kasi ayaw kong nakatunganga na lang, pakiramdam ko kasi wala talaga akong silbi sa mundo. Kaya dapat talaga matuto akong manggamot at magtanggol ng kapwa ko. Kaya nga, sana naging karakter na lang ako sa isang anime eh. Kasi lahat doon possible. Well, dito din naman sa  realidad. Nasa sa atin na iyon. Kaya lang soooobbbraaang hirap, as in, talaga. Kaya nga wala na kong masabi eh.

P.S.:
            Pasensiya na. Ang gulo ko talaga. Ewan ko ba. Mukhang hindi ko naman yata nasagot lahat ng tanong, mukhang wala nga yata eh. Basta manood ka na lang. Nood ka rin ng anime. Sa totoo lang, anim na oras na kasi ako dito sa kompyuteran, nobenta na babayaran ko, ‘la na kong pera. Dapat pala dumiretso na ‘kong sulat, kasi nanuod pa ‘kong Fruits Basket eh. Bitin yung ending. Pero ang ganda ng opening song! Siyanga pala, ‘di na ko updated sa Naruto Shippuuden. Wala lang. Pati ‘tong nagawa ko. Wala lang. Basura! Haisss! Pasensiya na.


No comments:

Post a Comment