Sa ilang oras na pagbaling-baling ko
sa higaan, sa bawat gabing hindi makatulog sa panunood ng anime sa pag-asang makahanap ng mga kasagutan, sa ilang araw na
pagkausap sa sarili at pagmumuni-muni ng mga naging karanasan, wala pa ring
katiyakan kung aking mabibigyang katarungan ang isang payak subalit mahiwagang
katanungan – na hindi ko na kailangan pang isa-isahin sa kadahilanang lubha
itong mahaba, nasa wikang Ingles at nasa Facebook
naman. Naman! Hindi ba’t pormal dapat ang aking pagsusulat? Subalit
ipagpaumanhin mo at ‘di ko na mapigilan ang paggapang ng aking mga kamay sa
aking ulunan at mangamot, sapagkat ako’y
labis na nagugulumihanan, oo, ako’y sadya pa ring nag-aalinlangan. . .
Labimpitong taon na pala akong
humihinga sa bilog na mundong ito, pero ni minsan hindi ko man lang
pinagka-abalahang tanungin ang aking sarili kung ano at hanggang saan na nga ba
ang aking nalalaman sa aspeto ng pamumuno at ng isang pagiging pinuno. Ano na
nga ba ang naging impakto este epekto nito sa lakad-takbo ng aking buhay.
Siguro naiinis ka na, ‘no? Ang dami ko nang pag-aantalang ginawa, wala pa rin
akong nalalagay na makabuluhan. Hiling ko lang ay iyong maunawaan na basahin
ang hindi nababasa, ngunit ‘wag kang mag-alala, aalalayan kita, bibigyan kita
ng implikasyon at patnubay. Haaay! Epal ko talaga. Epal na nga, barubal pa
magsulat!
Leadership.
Leadership. Mmmm… Ipakita mo sa ‘kin ang iyong tunay na kaanyuan! Toinks!
Ano daw? Epekto ‘ata ng anime ‘yan
eh, tsk, tsk! Haiss! Seryoso na nga.
Ako, si hulaan mo, isang bata. Ngunit bata pa bang dapat na
tawagin? Sa edad kong ito, pakiramdam ko napag-iiwanan na ‘ko ng mga kasabayan
ko . . . noon pero malamang ‘di na ngayon, ang layo na nila, wari’y ‘di ko na
sila maaninag. Basta. Naniniwala akong ang mahalaga ay importante! Tama!
Maniwala ka lang at gagawa ang kalawakan ng landas na para sa iyo lamang. Natutuwa
talaga ako at nakilala ko si Naruto, dahil paano ako magkakaroon ng sarili kong
depinisyon ng leadership kung walang
tao na siyang uukit sa puso ko ng depinisyon nito. Hindi ba’t ang tatlong
katanungan ay may iisang layunin lamang, at iyon ay ang makilala kaming mga
hangal na nagnanais na maging susunod na mamumuno ng **tooot*** sa kabila ng
kaalamang labis-labis na hirap at sakripisyo ang aming pagdadaanan ng
nakayapak, walang saplot at walang sandata maliban sa aming mga nag-aalab na
pusong nagnanais maisakatuparan ang tila kahangalan at walang-kwentang pangarap
na ito. Maaaring tama kayo sa iniisip niyo. Ano bang mapapala namin sa
pagwawaldas ng oras at enerhiya sa mga training
namin? Marami. Positibo. Negatibo. Tama lang. Wala lang. Depende sa ‘min.